IPINAGMALAKI ng Caritas Manila ang kauna-unahang katutubo na scholar ng Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) na napagtapos ng kursong agrikultura.
Ang pagkilala ay ginawa sa paggunita ng International Day of the World’s Indigenous People’s (IDWIP), kung saan inihayag ni Caritas Manila Executive Director Fr. Anton CT Pascual ang kahalagahan ng mga katutubo sa pangangalaga sa kalikasan upang maiwasan ang matinding pinsala ng kalamidad sa mga tao at sa kanilang kabuhayan.
Sa pagdiriwang ng IDWIP, kinila ni Fr. Pascual ang Mangyan scholar YSLEP ng Caritas Manila na si Agiston Cabato mula sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Si Agaton ang kauna-kaunahang katutubong YSLEP scholar na nakapagtapos ng kolehiyo sa kanilang komunidad.
“Sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Katutubong Mamamayan, ating itaas ang kamalayan tungkol sa mga kapatid nating katutubo, dahil sila rin ay may karapatang magkaroon ng magandang kinabukasan,” anang Caritas Manila.
Ipinagmamalaki ng Social Arm ng Archdiocese of Manila na nagtapos si Cabato sa kursong Agriculture at layunin nitong maging isang licensed Agriculturist.
Bilang tulong sa layunin ng pamahalaan na makamit ang “food security”, inihayag ni Father Pascual na inirerekomenda ng Caritas Manila ang kursong agrikultura sa kanilang YSLEP scholars sa mga liblib na lugar sa bansa.
Ibinahagi ng Caritas na 1,000 slots para sa mga nagnanais kumuha ng agriculture related courses taon-taon , sa hangaring patuloy na isusulong ang pagpapaunlad ng agrikultura ng Pilipinas para sa susunod na henerasyon.
“Mahirap ang programa para tayo ay makapaghanap ng mga kabataan na gustong bumalik sa pagsasaka at pangingisda, pero ito’y isang imperative, kailangan sapagkat ang bansa natin ay isang agricultural country, kailangan talaga, bumalik tayo sa agricultural sector pero kailangan, mas mechanized, modern ‘di ba. Kasi kung kagaya ng ginagawa ng mga lolo’t lola noon, na mga kalabaw pa rin, ay hindi na babalik ang kabataan diyan, at walang makitang kinabukasan. At napakababa ng kita ng magsasaka, kaya kailangan nating pag-isipan nang husto ang suporta ng gobyerno at ng private sector para madevelop natin ‘yung tinatawag na agri-entrepreneur, agri-business, magnegosyo ang mga kabataan sa bukid at sa dagat,”, pahayag ni Fr.Pascual.