LUMITAW sa sinasagawang threat validation ng Philippine National Police may 25 opisyal ng gobyerno sa Metro Manila ang may banta umano sa kanilang seguridad.
Ayon kay PNP-National Capital Regional Police office Spokesperson LTCOL Eunice Salas, base sa kanilang isinagawang validation ng Regional Intelligence Division ng NCRPO ngayong nalalapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ay lumalabas na mayroong tatlong kongresista, dalawang mayor, isang vice mayor, 9 na barangay chairman, 2 barangay councilor, at isang Sangguniang Kabataan chairman ang nasa medium risk threat.
Nabatid na nagsagawa ng threat assessment angPNP-NCRPO kaugnay ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan election (BSKE) at lumabas na may medium risk threat ang mga nasabing personalidad.
Sinasaing napabilang ang mga nabanggit sa listahan dahil umano sa ilang factors.
“Sila ay napabilang sa medium risk dahil sa lugar nila ay mayroon intense political rivalry. Meron ding identified communist terrorist group. Maaaring nagkaroon din ng 2 insidente ng election-related incidents for the past 2 elections at maaaring nakatanggap din talaga sila ng mga actual death threats,” sabi ni Salas.
Nang matanggap ni NCRPO chief Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang report ng RID, ipinag-utos umano nito na i-monitor ang mga personalidad na kasama sa listahan. Tiyakin ang pagpapatupad ng seguridad partikular na sa mga lugar na mayroong intense political rivalry.
“Nagbigay ng direktiba ang ating RD sa lahat ng unit commanders na paigtingin yung security lalo na sa mga identified na areas na may intense political rivalry at siyempre mag-maintain ng close coordination dito sa mga politiko na ito na mayroong talagang risk,” pahayag pa ng taga pagsalita.
Pinayuhan naman ng NCRPO ang mga elected government officials na may banta sa seguridad na makipag-ugnayan sa kanilang mga chief of police para mabigyan ng karampatang seguridad.
Maaari rin silang humiling ng karagdagang security personnel, anang opisyal kasabay nito ay nagbigay din ng direktiba si NCRPO chief Nartatez na panatilihin ang close coordination sa mga politikong may mga banta sa seguridad.