Nagpahayag ng pakikiisa si Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa mga panawagan na katarungan kaugnay ng karumal-dumal na pagpaslang kay Roselyn Gaoiran ng Tubigon Bohol.
Nanawagan rin sa Philippine National Police (PNP) si Uy na magsagawa ng malawakang imbestigasyon upang mapanagot ang mga nasa likod ng krimen.
“We urge the authorities to promptly initiate a thorough investigation to ensure that the perpetrator(s) are brought to justice. Acts of violence and crimes like this are morally reprehensible, and it is crucial that those responsible are held accountable for their deeds,” ayon sa mensahe ni Bishop Uy.
Ang bangkay ng biktima ay naiulat na nawawala noong Abril 3, at natagpuan ito noong Abril 15 na nakasilid sa sako na iniwan sa Brgy. Cansuaguit, Loon Bohol.
Ipinagdarasal rin umano ni Uy ang kahinahunan at katatagan ng loob para sa mga naiwang pamilya ni Gaoiran dahil sa malaking pagsubok na kinakaharap nila, gayundin ang pakikiisa at suporta sa paghahangad ng katarungan.
“During times of tragedy, it is important for communities to unite in support and provide solace to those impacted by such a senseless act. Let us hope for a swift and fair resolution to this case, and may the victim find peace,” ayon kay Uy.
Nasa kustodiya naman ng PNP ang employer ni Gapiran na isa sa itinuturing na ‘persons of interest’.
Ayon sa pagsisiyasat ng medico-legal, isang linggo nang patay ang biktima pero natuklasan pa ring may malaking pasa ito sa kanyang ulo na tama mula sa matigas na bagay.
Nakita naman ang bag ng biktima ilang araw na ang nakalipas na naglalaman ng kanyang mga personal na gamit sa bayan ng Calape.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng Bohol Police Provincial Office para matukoy ang motibo at matunton ang posibleng salarin sa nasabing kaso.













