Patay ang isang 43-anyos negosyante matapos na pagbabarilin ng kanyang kasosyo kamakalawa ng hapon sa Tondo,Maynila.
Nasawi habang inoobserbahan sa Tondo General Hospital ang biktimang si Romeo Niño, Jr., ng Building 5 Deca Homes Condominium sa Vitas , Tondo.
Sinundo naman ang suspek na si Carlos Geronimo Y Lambino, 27 , negosyante at residente ng Romana Street, Tondo.ng mga operatiba ng Manila Police District-homicide section sa harap ng Sto.Nino Church matapos makumbinsi ng kanyang ama na sumuko.
Sa imbestigasyon ni Patrolman Christian Joseph Pineda ,naganap ang insidente alas- 4:25 ng hapon sa bodega sa 2217 Callejon D sa panulukan ng Earnshaw Sts., sa Gagalangin Tondo.
Dumating umano sa lugar ang suspek at kinompronta ang biktima dahil sa ginugulangan umano ito ng biktima sa kanilang negosyo.
Ilang minuto pa ay nakarinig na ng putok sa bodega kung saan binaril umano ng suspek ang biktima sa dibdib gamit ang kalibre 38 Smith and Wesson.
Nakatayo pa umano ang biktima at naihatid pa sa pagamutan pero alas-6 ng gabi ay binawian na ng buhay. (Jantzen Tan)