Kasong kriminal, isinampa ng NBI sa Socorro cult

By: Baby Cuevas

Isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa CARAGA region ang patung-patong na kasong kriminal laban sa mga miyembro ng Socorro Bayanihan Services kaugnay sa pang-aabuso sa mga menor de edad simula noong Hunyo, 2023.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ,10 katao ang inirekomendang kasuhan ng NBI.


“Ito pa lang June 1 pa lang meron na ditong mahigit 10 tao na recommended for prosecution dito sa Socorro cult na kasama sa ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros,” ayon kay Remulla.

Nabatid kay DOJ spokesperson Atty. Mico Clavano na ang NBI-Caraga ay nakapagsampa na ng reklamo laban sa 13 indibiduwal noong unang linggo ng Hunyo sa Office of the Provincial Prosecutor sa Surigao del Norte.

Kabilang ang kasong paglabag sa Section 4, in relation to Section 6, kilala bilang qualified trafficking, sa ilalim ng Republic Act 9208, kilala bilang Anti-Trafficking in Persons Act;Kidnapping and serious illegal detention sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code; paglabag sa RA 11596, kilala bilang” act prohibiting the practice of child marriage and imposing penalties for violations thereof”; at paglabag sa RA 7610, kilala bilang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.


Nabatid kay Clavano na ang krimen ay ginawa mula Pebrero 2019 sa Silyo Kapihan Brgy. Seling, Socorro Surigao del Norte.

“So as per our information, wala pa pong preliminary investigation na nangyayari because pinapa inhibit yung mga prosecutors natin,” ani Clavano sa media briefing.


Tinitingnan umano ng DOJ ang dahilan kung bakit pinapa-inhibit ang mga prosecutors.


Tags: National Bureau of Investigation (NBI)

You May Also Like

Most Read