Iniutos na ng Department of Justice (DOJ) ang paghaharap ng kaso sa tatlong indibidwal na isinasangkot sa mga kaso ng pagpatay sa anim na Chinese nationals at pagdukot sa tatlong Pinoy sa Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City noong Oktubre 30, 2023.
Sa isang pahayag, ipinag-utos ni DOJ Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ang pagsasampa ng kaso laban kina Edgar Abarca, Eduardo Abarca at John Oliver Villanueva sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC), matapos na makitaan ng ‘probable cause’ ng DOJ panel of prosecutors.
Sa resolusyong may petsang Pebrero 15, 2024, napag-alaman na kabilang sa mga kasong isasampa laban sa mga suspek ay four counts ng kidnapping at serious illegal detention with homicide, four counts ng kidnapping at serious illegal detention, one count ng slight illegal detention at one count ng carnapping.
Mahigpit naman ang habilin ni Remulla sa prosekusyon na tiyaking malakas at ‘airtight’ o walang butas ang mga kaso laban sa mga suspek.
“Assure airtight cases are filed and show no mercy in prosecuting those behind these senseless crimes. Let’s bring to justice those responsible for these crimes,” atas pa ni Secretary Remulla.
Anang DOJ, base sa reklamong inihain ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group Luzon Field Unit (PNP-AKG) noong Disyembre 29, 2023, ang tatlong Pinoy ay pinakawalan ng mga suspek sa Calauan, Laguna, isang araw matapos silang dukutin.
Inireport ng mga biktima ang insidente sa mga pulis, na nagresulta sa serye ng operasyon.
Sinawing-palad naman na ang mga labi na lamang ng apat sa anim na Chinese nationals ang na-recover, habang hindi pa rin natatagpuan ang mga labi ng dalawa pang biktimang dayuhan, hanggang sa kasalukuyan.
Matapos ang backtracking at pagrepaso sa available na CCTV footage, natunton naman ng mga pulis ang mga suspek, na kaagad na inaresto at sinampahan ng kaso.














