Tiniyak ni Supreme Court (SC) Chief Justice Alexander Gesmundo na titingnan nila ang kaso ni Benigno “Iggy” Agbayani Jr., isang orthopedic surgeon na nasawi habang naka-detine noong Oktubre.
“Iche-check namin kung anong nangyari talaga roon. Hindi kami basta puwede magsabi na ganito ang gagawin. Rerepasuhin namin… at base sa kung anong naging resulta, maaari kaming gumawa ng mga bagong instruction o rules para ‘wag na maulit ‘yung ganitong sitwasyon,” ani Gesmundo sa isang press briefing.
Ayon kay Gesmundo, posibleng nagkaroon ng lapses sa panig ng abogado.
“Apparently, there was, I don’t know, there were some lapses committed by the lawyer. I think that’s the main- the root cause of the issues that came out,”ayon kay Gesmundo.
“So naglagay tayo ng CPRA ‘di ba, Code of Professional Responsibility… let’s take a look, the CPRA is not enough to be able to address these incidents where lawyers are apparently not doing their task effectively and efficiently to protect the interest of their client. We will look into that,” dagdag ni Gesmundo.
Nabatid na noong nakalipas na buwan, ilang doktor at medical professionals ang humihiling na magkaroon ng judicial review sa kaso ni Agbayani.
Una nang nakulong si Agbayani noong Mayo 2023 matapos na hatulan ng korte sa kasong reckless imprudence resulting in serious physical injuries na isinampa ni Saul Hofileña, Jr., isa sa dati niyang pasyente na naimpeksiyon nang inoperahan sa tuhod.














