KASO NG TIGDAS, TUMAAS NG 35%

By: Baby Cuevas

INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na tumaas ng 35% ang kaso ng measles-rubella o tigdas mula Enero 1 hanggang Marso 1, 2025.

Naitala rin umano ang patuloy na pagtaas ng kaso sa National Capital Region, CAR, Ilocos, Bicol, Western Visayas at SOCCSKSARGEN.

Napag-alaman na nasa 625 o 68% sa mga naiulat na kaso ay hindi pa bakunado o hindi pa kumpleto ang bakuna laban sa tigdas.


Ang tigdas ay isang lubhang nakahahawang sakit na kumalat sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing.

“Ang isang batang may tigdas ay pwedeng makahawa sa labing-anim na iba pang mga bata. Kaya mahalagang mapigilan natin ang pagkalat ng sakit na ito,” ani Secretary Ted Herbosa ng DOH.


Aniya, maaari itong humantong sa seryosong kondisyon tulad ng pulmonya, impeksyon sa utak at kamatayan, lalo na sa mga batang wala pang limang taong gulang.

Maaaring maiwasan ang ganitong mga komplikasyon kung bakunado ang mga bata laban sa tigdas.


“Itong mga sakit na ito ay napipigilan ng bakuna gaya ng MMR vaccine. Magpabakuna po tayo sa pinakamalapit na health center,” dagdag ni Sec. Ted Herbosa.

Kaugnay into, tuloy-tuloy naman ang bakunahan ng measles, mumps, rubella (MMR) para sa mga batang 9-12 buwan sa mga health centers.

Bukod dito ay magsasagawa rin ngayong Marso ng catch-up immunization laban sa tigdas para sa batang 13-59 na buwan sa mga piling rehiyon tulad ng Central Luzon, Calabarzon, SOCCSKSARGEN, at BARMM, ani Herbosa.

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read