Kaso ng dengue, higit 82K na

NAITALA na sa 82,597 ang kabuuang kaso ng dengue sa bansa mula Enero 1 hanggang Hulyo 16, 2022.

Ayon sa Department of Health (DOH), mas mataas ito ng 106% kumpara sa mga naiulat na kaso sa parehong period noong 2021.


Sinabi ni Health officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pinakamaraming naiulat na kaso ng dengue sa Region III na may 13,449 kaso o 16%, kasunod ang Region VII na may 8,905 kaso o 11% at ikatlo ang National Capital Region na may 6,884 o 8%.

Mula nitong Hunyo 19 hanggang Hulyo 16, nadagdag ang nasa 20,261 kaso.

Nabatid rin na 10 sa 17 rehiyon sa bansa ang lumagpas na sa ‘epidemic threshold’ sa nakalipas na apat na linggo. Nagpapakita ang Regions II, Mimaropa at CAR na siyang may tuluy-tuloy na pagtaas ng mga kaso mula Hunyo 19 hanggang Hulyo 16.


Sa buong bansa, nakapagtala na ng 319 nasawi sa sakit na may 0.4% case fatality rate. (Philip Reyes)


Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read