Naalarma ang provincial government ng Mountain province dahil sa pagsirit ng kaso ng Chikungunya sa lugar.
Ito ay matapos na makapagtala ang Mountain Province Provincial Health Office (PHO) ng 672 kaso ng ng dengue -like viral infection mula Enero hanggang Agosto ngayon taon.
Wala namangnaitalang kaso ng naturang sakit noong nakaraang 2022.
Nabatid na ang Chikungunya ay naililipat sa tao sa pamamagitan ng kagat ng lamok na sanhi ng joint pain at swelling. Ang sakit ay iba sa dengue na sanhi rin ng kagat ng lamok.
Ayon sa MHO ang lagnat na sanhi ng chikungunya ay nagtatagal ng tatlo hanggang apat na araw at ang dengue naman ay dalawa hanggang pitong araw o mas mahaba pa.
Maaring magkaroon ng rashes sa mukha, palad, paa at limbs ang taong may impeksiyon ng Chikungunya, habang ang dengue naman ay limitado ang rashes sa limbs at mukha.
Sa datos ng MHO, ang bayan ng Paracelis ang nangunguna sa kaso ng Chikungunya na may 658 kaso na na-detect sa Barangay Bantay, Banana at Butigue.
May 14 na kaso naman ang naitala sa bayan ng Natonin.
Wala namang naitalang nasawi sa naturang sakit sa Mountain Province hanggang nitong ikalawang linggo ng Agosto.
Pinayuhan ng provincial government ang mga residente na agresibong ipatupad ang “search and destroy” sa mga lugar na maaring pamugaran ng lamok.
Pinayuhan rin ang publiko na magsuot ng long sleeve at gumamit ng repellants.














