Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng mahigit sa triple ng mga kaso ng chikungunya sa bansa sa nakalipas na 10 buwan kumpara sa parehong panahon noong 2022.
Ayon sa pinakahuling monitoring ng DOH, nasa 2,691 kaso ng chikungunya ang naiulat mula Enero 1 hanggang Oktubre 28.
Nabatid na ito ay 384 porsyento na mas mataas kumpara sa 552 na iniulat sa parehong panahon noong 2022.
Nalaman na sa Cordillera Administrative Region, naitala ang pinakamataas na pagtaas ng kaso na may 1,109; Ilocos, 448, at Cagayan Valley, 338.
Naitala rin sa Cordillera ang pinakamataas na pagtaas ng kaso sa 32,567 porsiyento o mula tatlo hanggang 1,109 na kaso; Cagayan Valley, 16,800 porsiyento, mula dalawa hanggang 338, at Mimaropa, 3,056 porsiyento, mula siyam hanggang 284.
Sa datos mula sa Epidemiology Bureau ng DOH, ay naitala naman ang ‘zero’ chikungunya-related deaths sa nakalipas na dalawang taon.
Magugunita na sinabi ng World Health Organization (WHO) na ang chikungunya virus ay kumakalat sa pamamagitan ng kagat ng isang infected na lamok.
Sintomas nito ang pagkakaroon ng lagnat at matinding pananakit ng kasu-kasuan habang ang mga malubhang kaso naman ay maaaring humantong sa pagkasawi ng pasyente.