Tumaas umano ang kaso ng chikungunya sa bansa ngayong taon kumpara noong 2021.
Sinabi naman ni DOH officer-in-charge (OIC) Maria Rosario Vergeire na sa ngayon ay patuloy silang nagsasagawa ng surveillance sa mga kaso ng naturang karamdaman.
“Pag tiningnan po kasi natin at kinukumpara natin ang mga numero ng chikungunya detection ngayong 2022 compare to the previous year 2021, makikita natin talaga na tumaas,” ani Vergeire.
Kasabay nito, inabisuhan ni Vergeire ang publiko na maging maingat dahil ang lahat ng age group, kabilang na ang matatanda, ay maaaring dapuan ng naturang sakit.
Pinakamainam umanong paraan upang maiwasan ang chikungunya ay ang pagpapanatiling malinis sa paligid at pagtatapon ng stagnant water na maaaring pamahayan ng mga lamok. (Philip Reyes)