ISANG kilabot na miyembro ng teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) ang nasawi sa kamay ng mga tauhan ng Philippine Army sa naganap na sagupaan sa Maguindanao del Sur.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Army Commanding General Lt Gen. Roy Galido, isang BIFF ang napaslang ng kanyang mga tauhan at ilang pampasabog at baril ang nasamsam matapos ang engkwentro.
Ayon sa 6th Infantry Division nakatanggap sila ng intelligence report mula sa ilang local residents hinggil sa presensya ng mga terorista malapit sa area ng Barangay Butilen, Datu Salibo, Maguindanao del Sur, kaya’t agad na kumilos ang Joint Task Force Central Sabado ng umaga. Tumagal ng ilang minuto ang bakbakan bago nagpasyang tumakas ang grupo ng BIFF.
Sa isinagawang clearing operation sa encounter site ay na-recover ang isang caliber .45 pistol na may limang magazines at isang Nokia Analog cell phone. May mga pampasabog ding nakuha ang mga tauhan ng JTFC sa area,
Ayon pa kay Major General Alex S. Rillera, Commander ng 6ID, ang 6th Infantry (Kampilan) Division, sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police at concerned LGUs ay desidido silang wakasan ang banta ng terorismo sa kanilang ‘area of responsibility.’
“I assure the community that the military operation’s primary objective is to protect and secure the populace from security threats posed by local terrorists. 6ID also reassures the local populace that the operation is far from the residential areas, despite attempts of local terrorists to evade the government troops and seek refuge in the populated communities,” ani MGen. Rillera.














