PATAY ang isang kasapi ng notorious na organized crime group, matapos nang piliin niyang huwag magpahuli ng buhay sa ikinasang joint law enforcement operation ng military at pulis sa Sitio Dulayap, Barangay Panggao, Barira, Maguindanao del Norte, kamakalawa ng umaga.
Sa ulat na nakarating sa punong himpilan ng Philippine Marines ay kinilala ni Lt. Col. John A. Dela Cruz, Commanding Officer ng Marine Battalion Landing Team-2 (MBLT-2) ang nasawi na si Kamlon Manardas Ragundo, 34, residente ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat, layunin ng Criminal Investigation and Detection Group – BARMM, katuwang ang MBLT-2 na isilbi ang warrant of arrest na inisyu ng lokal na korte laban kay Porok Marandakan Ragundo, alyas “Rokkie”, at pito pang kasamahan nito dahil sa iba’t ibang kasong kriminal na kinakaharap ng kanilang grupo.
“Layunin lamang ng aming tropa na suportahan ang PNP sa pagsisilbi ng warrant of arrest, subalit pinaputukan kami habang kami’y papalapit pa lamang sa bahay ng target personalities. Dahil dito, napilitang gumanti ng putok ang ating mga operatiba para sa kanilang sariling kaligtasan,”” pahayag ni Lt. Col. Dela Cruz.
Samantala, pinuri ni Major General Donald Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang matagumpay na operasyon.
“Ang tagumpay ng operasyong ito ay patunay ng epektibong koordinasyon at dedikasyon ng ating mga tropa, partikular ng MBLT-2 at CIDG-BARMM, sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaayusan sa rehiyon. Ang pagkakaneutralisa ng isang notoryus na kriminal ay malaking hakbang sa pagbawas ng krimen at sa kaligtasan ng ating mga kababayan,” saad ni Gumiran.