KARAPATAN NG RP, DI KAYANG BURAHIN NG KWENTO NG TSINA — GOITIA

By: Baby Cuevas

“Ang pagtatangkang ipinta ng Tsina ang kontrol nito sa Scarborough Shoal bilang usapin ng “pangangalaga sa kalikasan” ay hindi nagbabago ng katotohanan. Kahit balutin sa magagandang salita, hindi nito napapalitan ang batas, at lalong hindi nito nabubura ang karapatan ng Pilipinas na kinikilala ng kasaysayan at ng pandaigdigang batas.”

Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, “matagal nang ginagamit ang magagandang salita para pagtakpan ang okupasyon. Nagbago lang ang bihis. Ngayon, conservation na ang tawag.”


Pinuna nito na sa mga nagdaang araw ay sunod-sunod na ulat mula sa mga media na malapit sa estado ng Tsina ang naglalarawan sa Beijing bilang tagapangalaga ng Scarborough Shoal, habang ang mga mangingisdang Pilipino at presensya ng Pilipinas ang ginagawang problema. Maayos at tila siyentipiko ang tono, ngunit malinaw ang pakay: gawing normal ang kontrol ng Tsina at isantabi ang lehitimong karapatan ng Pilipinas.

“Hindi na ito bago. Diretso na tayo. Ang Scarborough Shoal ay malinaw na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Hindi ito opinyon o palagay. Pinagtibay ito ng arbitral ruling noong 2016. Hindi nababago ng magagandang salita ang legal na katotohana. Hindi mo puwedeng tawaging pangangalaga ang isang bagay na wala kang karapatan,” aniya.

Sinabi ni Goitia na ang pagturing sa Pilipinas na parang dayuhan sa sarili nitong dagat ay malinaw na pagbaluktot ng batas at kahit anong bihis umano ang ibigay, ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi kailanman kapalit ng soberanya.


Bago pa ang mga patrol at ulat, naroon na umano ang mga mangingisdang Pilipino sa mga katubigang ito.

“Dito sila nabuhay at dito nila itinaguyod ang kanilang pamilya. Hindi pumasok ang ating mga mangingisda bilang mga lumalabag. Ito ang dagat na kinalakihan nila at dito sila naghanapbuhay. Ang pagtawag sa kanila bilang ilegal ay mali. Binubura nito ang kanilang kasaysayan at minamaliit ang kanilang hanapbuhay,” aniya.




Ayon mismo sa mga ulat ng Tsina, nananatiling maayos at malusog ang bahura sa lugar. Kung gayon, mahirap ipilit na ang Pilipinas ang sanhi ng sinasabing pinsala. Kung maayos ang bahura, walang batayan ang paratang,” ani Goitia.

“Kung may problema man, kailangang patas ang pagsusuri at isama ang epekto ng matagal na presensya ng malalaking barko, mga blockade, at mga paghihigpit. Hindi puwedeng pumili lang ng sisisihin. Ang tapat na pagsusuri sa kalikasan ay kailangang isaalang-alang ang lahat ng salik, kabilang ang tuloy-tuloy na patrol at pagkagambala sa tradisyunal na pangingisda,” dagdag pa nito.


Ayon kay Goitia, ang mga pahayag na inaangkin ng Tsina ang Palawan ay walang batayan at hindi umano ito sinusuportahan ng kasaysayan, batas, o anumang kasunduan.

Ipinunto pa nito na ang Palawan ay malinaw na bahagi ng Pilipinas, kinikilala ng pandaigdigang komunidad at pinamamahalaan ng bansa sa mahabang panahon at walang seryosong historyador, legal na iskolar, o internasyonal na institusyon ang kumikilala sa ganitong kathang-isip.

“Kapag mas pinalalaki ang kasinungalingan, mas lantad itong nagiging mali. Ang Palawan ay hindi pinagtatalunan at hindi maaaring baluktutin ang kasaysayan nito. Ang pananahimik sa ganitong pahayag ay parang pagpayag na maging normal ang mali. Kaya kailangang tumugon nang malinaw at direkta,” saad nu Goitia.


Aniya, hindi sigawan o pananakot ang tugon ng Pilipinas at sa ilalim ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ay malinaw ang direksyon: batas ang sandigan at institusyon ang lakas.

“Nangunguna ang Philippine Coast Guard sa pagbabantay sa ating karagatan at pagprotekta sa mga mangingisda, habang malinaw ang tindig ng Department of National Defense sa pamumuno ni Secretary Gilberto Teodoro na ang soberanya at karapatan ng Pilipinas ay hindi tinatakot at hindi tinatawaran. Hindi ito palabas. Ito ay seryosong pamamahala,” aniya.

Ayon pa kay Goitia, hindi sa lakas ng boses nasusukat ang pagkamakabayan kundi makikita ito sa linaw ng isip, tibay ng loob at paninindigan sa batas.

“Hindi nadedesisyunan ang soberanya sa ingay o dami ng ulat. Ito ay pinagtitibay ng batas, ng kasaysayan, at ng dangal ng bayang tumatangging mabura sa sariling karagatan. Sa ganitong tindig, nananatiling matatag, makatarungan at hindi matinag ang Pilipinas,” saad pa ni Goitia, Juris Doctor, PhD at Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI) at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY).

Tags: Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia

You May Also Like