Karagdagang 1,030 bagong kaso ng Omicron subvariants sa Pinas, naitala ng DOH

Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes na nakapagtala pa sila ng karagdagang 1,030 bagong kaso ng Omicron subvariants sa Pilipinas.

Batay sa inilabas na datos ng DOH, nabatid na sa naturang bilang ay 1,011 ang karagdagang BA.5 cases habang 19 naman ang BA.4 cases.

Ayon sa DOH, mula sa 1,011 bagong BA.5 cases, 907 na ang nakarekober, 54 ang naka-isolate pa habang dalawa ang kumpirmadong binawian ng buhay. Hindi pa naman batid ang kalagayan sa ngayon ng 49 na iba pa.


Nakapagtala umano ang lahat ng rehiyon ng mga bagong kaso ng sakit, maliban lamang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa mga bagong pasyente, 690 ang fully vaccinated, 12 ang partially vaccinated, tatlo ang hindi bakunado habang inaalam pa ang vaccination status ng natitira pang 306 pasyente.

Samantala, sa karagdagan namang 19 na bagong kaso ng BA.4, nasa 15 na ang nakarekober na, tatlo ang naka-isolate pa rin, at isa ang namatay.

Ang 12 sa mga ito ay mula sa Region 12, may tig-tatlong kasong naitala mula sa Region 5 at Region 6, habang isa ang mula sa Cordillera Administrative Region (CAR).


Ang 13 sa mga ito ay fully vaccinated na, isa ang partially vaccinated habang inaalam pa ang vaccination status ng natitirang limang pasyente.

Ayon sa DOH, sa ngayon ay inaalam pa nila ang exposure ng mga pasyente, gayundin ang kanilang travel histories at health status.

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read