By: JANTZEN ALVIN
Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes na hanggang nitongDisyembre 7, 2024 ay umaabot na sa kabuuang 4,646 ang mga kandidato para sa 2025 National and Local Elections (NLE) na nakapagrehistro na ng kanilang official social media accounts sa kanilang tanggapan.
Ayon sa datos ng Comelec, nabatid na kabilang dito ang 27 senatorial candidates; 4,500 local aspirants; at 119 party-list groups, organizations at coalitions.
Samantala, nasa 2,509 kandidato naman ang nagsumite na ng hard copies ng kanilang mga dokumento sa poll body.
Hindi anila kasama dito ang 53 pribadong indibidwal na nagpadala ng hard copies ng dokumento, bago na-promulgate ang Comelec Resolution No. 11064-A.
Nabatid na ang deadline para sa pagrerehistro ng online campaign platforms ay hanggang sa Biyernes, Disyembre 13, na lamang.
Nanindigan na rin ang Comelec na hindi na nila palalawigin pa ang naturang deadline.
Matatandaang ipinag-utos ng Comelec ang pagrerehistro ng social media account ng mga kandidato na gagamitin sa pangangampanya, bilang bahagi ng kanilang inisyatiba na i-regulate ang digital election campaigning para sa halalan sa susunod na taon.