NAGPAHAYAG ng buong pagsuporta sa kandidatura ni Manila Mayor Honey Lacuna ang dalawang pinakamataas na opisyal ni dating Manila Mayor Alfredo S. Lim, kasama na rin ang kanyang paboritong apo na kasalukuyang konsehal sa Tondo na ngayon ay natakbo ring muli para sa isa pang termino.

Ayon kay Ric de Guzman, na nagsilbing chief of staff, public information officer at pinakamalapit na ‘confidante’ ni Mayor Lim noon, naniniwala siya sa integridad ni Lacuna at binigyang-diin ang malinis na rekord nito sa larangan ng pagseserbisyo sa publiko. Aniya, ang mga tunay na Lim supporters ay kaisa niya sa paniniwalang ito.
Sinusugan naman ito ni dating City Administrator Jay Marzan, na nagsabing ang Maynila ay kailangan ng isang disente at matalinong alkalde na hindi magbabaon sa lungsod sa utang.
“Si Mayora, diretso sa tao ‘yung tulong. ‘Yung program niya, naka-focus para mas umasenso ang buhay ng bawat Manilenyo,” pahayag pa ni Marzan.
Ayon pa kay Marzan, na isang taal na taga-Sampaloc, nang magpasya ang kanyang barangay chairman na kapatid na si Bong Marzan upang tumakbo bilang konsehal ay napagpasyahan nila na sumama sa tiket ni Lacuna, dahil ito ang pinakamahusay na kandidato pagdating sa karakter at liderato.
Sinabi naman ni De Guzman na isa ring taal na residente ng Maynila, partikular sa Sampaloc, na batid niya ang klase ng pamamahala ni Lacuna, pati na din ang mga benepisyong naipaaabot sa mga residente na gaya niya.
Bilang isang senior citizen naman, sinabi ni De Guzman na sadyang ipinakita ni Lacuna ang kanyang malasakit sa mga nakatatandang residente ng lungsod, nang dinoble nito ang kanilang buwanang allowance. Bukod diyan ay bumibisita rin umano nang personal si Lacuna sa mga maysakit at mga nakaratay sa banig ng karamdaman upang alamin ang kalagayan ng mga ito at mabigyan ng tulong sa iba’t-ibang uri ng paraan.
Sinabi pa ni De Guzman na bilang isang doktor, mahusay na pinangungunahan ni Lacuna ang lungsod dahil inuuna niya ang mga serbisyong pangkalusugan at ito rin umano ang dahilan kung bakit natugunan nang magaling ng Maynila ang pandemya. Lubhang napakinabangan umano ang pagiging doktor ni Mayor Honey mula sa pagbili ng gamot, pagtayo ng mga pasilidad at mabilis na pagbabakuna laban sa COVID.
Binigyang-diin din ni De Guzman na maraming opisyal na nagsilbi noong panahon ni Lim ang ibinalik ni Lacuna sa puwesto, na aniya ay pagpapakita ng malaking tiwala ni Lacuna sa mga napili noon ni Lim na mamuno sa iba’t-ibang departamento, tanggapan at bureau.
Ayon kina De Guzman at Marzan, kagaya ni Lim ay sadya ring napaka-ingat ni Lacuna pagdating sa pondo ng lungsod, kung saan. tinitiyak nito na ito nahahawakan nang maayos, walang nasasayang at napupunta sa dapat puntahan.
Samantala, maging si Councilor Nino dela Cruz na paboritong apo ni Mayor Lim ay piniling sumuporta kay Lacuna at manatili sa panig nito, dahil nakikita rin umano niya kay Lacuna ang mga kalidad na taglay ng isang mabuting alkalde.
Ayon kay Dela Cruz, na muli ring tumatakbo bilang first district Councilor sa ilalim ng tiket ni Lacuna: “Pinili ko po si Mayor Honey kasi mabuti po ang asal niya, malinis ang hangarin para tumulong. Tapat at totoo talaga siya.”