CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Iba’t-ibang uri ng mga war materials ang nabawi ng Joint Task Force Central matapos makubkob ang bagong diskubreng pinagkakampuhan ng Daulah Islamiyah-Maute Group sa Bagumbayan, Marogong, Lanao Del Sur.
Ayon kay Major General Roy Galido, JTF Central at 6ID Commander, ito ay dahil sa matibay na suporta ng komunidad at maigting na intelligence efforts ng government security forces.
“Nasa 30 na mga tagasunod ni Abu Zacharia ang lider ng DI-MG ang namanmanan ng mga residente sa kalapit na lugar. Dahil baguhan ang kanilang hitsura madali silang ini-report ng community sa mga sundalo ng 1st Marine Brigade”, dagdag pa ni Maj. Gen. Galido.
Narekober sa lugar ang tatlong units ng UHF Handheld Radio (Baofeng), dalawang piraso ng radio batteries, isang uniporme, isang lower receiver ng M14 Rifle, isang kevlar helmet, dalawang 81MM mortar fuse, isang barrel ng M60 Light Machine Gun, isang cellphone, isang combat boots, isang pack ng wire, dalawang kilo ng fertilizer, gun powder, isang manual ng pagawa ng eksplosibo, isang sako ng 81MM Fuse (25kls), isang ‘tornohan’, isang dynamo, dalawang improvised RPG launchers, isang empty magazine (7.62mm) at isang prayer booklet.
Sa ginawang Focused Military Operations ng JTFC sa lugar na pinagkukutaan ng DI-MG ay na-recover ang mga gamit pangdigma, mga sangkap sa pagawa ng anti-personnel mines at personal na kagamitan ng mga terorista.
“Nais ng JTF Central na pasalamatan ang patuloy na suporta ng Local Government Units at kanilang mga community leaders dahil sa pagbibigay nila ng mahalagang impormasyon”, pahayag ng JTFC Commander.
Mariin din niyang inihayag na ang seguridad ay pananagutan ng lahat, “No single person is responsible for the security. We have to unite and work together”. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)