NAGBABALA si Philippine National Police Chief Police General Rommel Francisco Marbil na wala silang sasantuhin sa kanilang kampanya kontra “guns, goons and gold” kaugnay sa gaganaping May 12 midterm elections.
Binigyang- diin ni Marbil na tutugisin din nila ang mga kasapi ng PNP, maging ng militar, na mapapatunayang sangkot sa pagsuporta sa mga kandidato.
Ayon sa heneral, bahagi rin ito ng kanilang kampanya kontra “guns, goons and gold” ,bukod sa pagtugis at pagwasak sa mga hinihinalang private armed groups na alaga ng ilang hinihinalang ‘warlords’ o pulitiko.
Nanawagan si Marbil sa kapulisan at maging sa militar na panatilihing ‘apolitical’ ang kanilang hanay kaya mariin nitong inihayag ang pagtugis sa mga police at military personnel na sangkot sa pagbibigay-suporta sa mga politicians, bilang bahagi ng kampanya laban sa mga “goons.”
“Let us be apolitical. Let’s give dignity to our uniform,” anang heneral.
Samantala, pinaghahandaan din ng PNP ang mga bagong hamon na kakaharapin sa paparating na eleksyon partikular ang pagpapakalat ng “fake news” at pinangangambahang ‘massive vote-buying’ gamit ang mga e-wallet at iba pang financial apps.
Ayon pa kay Marbil, nakikipag-ugnayan na sila sa Commission on Elections (Comelec) para matalakay ang vote-buying sa pamamagitan ng e-wallets.
Nabatid na maging ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ay binabantayan ang mga finance apps na posibleng magamit sa vote= buying.
“Dati, three Gs lang eh. Ngayon, three Gs and one F – fake news. ‘Yon ang magiging problema natin,” ani Marbil.
Naniniwala ang opisyal na malaki ang magiging impact sa mga botante sa pagpili ng kanilang mga kandidato at maging sa reputasyon ng mga kandidato na kayang-kayang sirain sa pamamagitan ng ‘fake news’ gamit ang iba’t- ibang social media platforms.
“Fake news will dictate who will win. Kasi, talagang siraan ito eh. Paano natin makokontrol ‘yan sa media, sa social media, sa internet, sa Facebook natin kung mga maling impormasyon ang pinapalabas nila,” dagda pa niya.