Walang tigil ang Bureau of Customs-NAIA sa pag-iisip ng mga paraan upang pigilan ang mga aktibidad na gawain na makalusot sa pangunahing terminals ng NAIA.
Kelan lamang, dahil na din sa dumaraming bilang ng kaso ng mga pasahero na nagtatangkang magpuslit ng mga foreign currency palabas ng bansa, ay naisipan ng BOC-NAIA, sa pamumuno ni NAIA District Collector Atty. Yasmin Mapa at sa suporta ni NAIA- Customs Passengers operation chief Dr. Mark Jhon Almase, na maglagay ng mga K-9 dogs na sinanay sa pag-amoy ng pera.
Ang agarang aksyon ay ginawa ni Atty. Mapa matapos makipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG).
Nagkaroon din ng isang kasunduan at partnership sa pagitan ng BOC-NAIA at PCG upang palakasin ang kampanya laban sa modus operandi ng mga sindikatong sangkot sa money laundering.
Ayon kay Almase, napuna nila na tila dumarami na ang nahuhuli na nagtatangkang magpuslit ng malalaking halaga ng foreign currency.
Tinatangka itong ilabas ng bansa nang hindi ito idini-deklara sa posibilidad na gusto nilang takasan ang pagbabayad ng buwis o di kaya ay para gamitin ang perang puslit sa mga iligal na gawain.
Bago niyan ay isang pasaherong babaeng Chinese ang nahuli ng security sa final checkpoint na may dala-dalang mahigit sa US$10,000 dollars na hindi niya idineklara, isang bagay na bawal sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
Sinabi ni Mapa na ang mga ipinakalat na K-9 dogs ay pawang sinanay ng Philippine Coast Guard at pinaiikot sa NAIA arrival at departure areas.
Trabaho nila ang amuyin lahat ng sulok ng NAIA terminals at sa pamamagitan nila ay matitiyak na umano na hindi makakalusot ang mga smuggler ng foreign currency.
Congratulations na din pala sa BOC-NAIA, dahil nakahuli ang grupo ni Mapa ng 10 kilo ng shabu sa NAIA 3. Nasa isang abandonadong bagahe ang nasabing shabu na nagkakahalaga ng P72.8 million.
Kaagad na inatasan ni Atty. Mapa si Dr. Almase na makipag-ugnayan sa Bureau of Immigration para malaman ang mga detalye ukol sa may-ari ng bagahe na kinilalang si Michel Septon, isang Belgium national na dumating lulan ng Qatar Airways flight QR 928 mula Johannesburg, South Africa via Doha Qatar.
Dahil sa maagap na pagkilos ng mga bumubuo ng BOC-NAIA ay makakatiyak tayong ligtas ang NAIA sa mga gustong magpuslit ng droga at sa mga money launderers.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.