Kahating milyong pabuya ang naghihintay sa sinumang makapagtuturo tungo sa ikadarakip ng killer ni veteran journalist Johnny Dayang, 89 anyos noong Abril 29 sa Kalibo, Aklan.
Kasunod ito ng ginawang pagkilala ng Philippine National Police sa suspek sa likod ng pamamaslang.
Sa report na ipinarating sa punong himpilan ng PNP sa Camp Crame Quezon City ay kinilala ni Maj. Frensy Andrade, hepe ng Kalibo Municipal Police Station, ang suspek na si Kim Wency Antonio mula Negros Occidental.
Si Dayang, isang dating OIC-mayor at mamamahayag, ay pinagbabaril habang nanonood ng telebisyon sa kanyang tahanan.
Mas pinaigting ngayon ng PNP ang manhunt operation laban sa suspek sa brutal na pagpaslang sa mamamahayag na si Juan “Johnny” Dayang matapos positibong matukoy ang kanyang pagkakakilanlan.
Nabatid na nag-alok ng ?500,000 na pabuya ang pamahalaang panlalawigan ng Aklan at local government unit (LGU) ng Kalibo sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, handa nang magsampa ng kaso ang mga awtoridad laban sa suspek, na hanggang ngayon ay patuloy pa ring tinutugis, habang patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) para tiyaking makakamit ng pamilya ang hustisya.
Na-trace ng pulisya ang kanyang galaw sa pamamagitan ng backtracking sa mga CCTV at natuklasan na may kasong droga siya noong 2021 sa Pasig City.
Ayon sa Police Regional Office 6 (PRO-6), sinasabing sangkot sa nakaraang kaso ng droga ang itinuturong salarin kung saan nahuli na ito noong Mayo 2021 sa buy-bust operation sa Pasig City dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.