POSITIBO ang National Irrigation Administration na matutugunan ng mga magsasaka ang pinangangambahang kakulangan ng bigas at posibleng pagtaas ng presyo ng pangunahing butil dahil magiging maganda ang aanihing palay ng bansa sa susunod na cropping season.
Sinasabing malaki ang tsansa na makabawi ang mga rice farmers sa darating na anihan dahil na rin sa convergence efforts na pinasimulan ng Pangulong Marcos sa pagitan ng NIA, Department of Public Works and Highways at Department of Agriculture kasunod ng pananalasa ng mga nagdaang bagyo at habagat.
Ayon kay NIA Administrator Eduardo Guillen, hindi naman gaanong naapektuhan ang mga tanim na palay sa nagdaang kalamidad, dahil karamihan aniya sa mga apektado ay ang mga high value crops, tulad ng mais at gulay.
Sinasabing nasa 20% lamang ang naapektuhang palayan sa Ilocos Region na matinding sinalanta ng bagyo, kung kaya’t nakikita nilang magiging maganda ang ani sa susunod na taniman.
Sinabi ni Guillen, target nilang magbigay ng farm input sa mga magsasaka bago pa sila magpalabas ng tubig, kahit pa makararanas na ng epekto ng El Niño ang bansa ngayong huling quarter ng taon.
Nabatid pa na lumago ng tatlong porsiyento ang produksyon ng palay sa unang kalahati ng taon bunsod na rin ng kooperasyon ng mga ahensya ng gobyerno at pagkakaloob ng tamang tulong sa mga magsasaka na siyang pangunahing salik din sa pagkamit ng pagtaas ng ani nito..
Nakikipagtulungan ngayon ang NIA sa Department of Agriculture (DA) para makapaghatid ng tulong sa pag-input ng sakahan, kabilang ang mga makinarya sa pagsasaka.
Umaasa ang opisyal na sa susunod na panahon ng pagtatanim, mas maraming tao ang makikinabang sa ani ng mga magsasaka, na may tamang input at matatanggap ito sa tamang panahon.
Dagdag pa niya na ang mga bagong teknolohiya at sistema na nakalagay at nagagamit na ay makakatulong sa pagtugon sa mga epekto ng El Niño.














