Sa tulong ng Philippine Army ay nadakip sa isinagawang law enforcement operation ng Philippine National Police ang isa sa mga kasama at kapwa akusado ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy na may patong ngayon na P10 milyon sa kanyang ulo.
“Lumiliit na ho ang mga pinagtataguan ninyo… Hindi ho titigil ang kapulisan, ang military, ang buong puwersa ng gobyerno para kayo ay dakipin, ” pahayag kahapon ni Secretary of the Interior and Local Government Benhur Abalos nang iharap sa media ang nadakip na si Paulene Canada .
Si Paulene Canada na co-accused ni Quiboloy ay naaresto sa isang bahay na halos dalawang kilometro lamang mula sa PNP Regional Police Headquarters, ani Sec Abalos.
Iniharap na ng PNP, DILG at Armed Forces of the Philippines ang arestadong si Paulene Canada sa publiko, na may P1 million reward sa ikadarakip nito dahil sa patong-patong na kasong child abuse at qualified trafficking.
Ayon kay Abalos, sa bisa ng warrant of arrest ay naaresto si Canada sa ikinasang joint operation ng pulis at military sa isang bahay sa Emily Homes Subd. Davao City bandang ala-una kamakalawa ng hapon.
Dito ay nakatanggap umano sila ng report at tawag na nakita ng caller ang babae na kamukha ng nasa litrato ng wanted poster na inilabas ng PNP na may reward na isang milyong piso.
Bago pa man matanggap ang anonymous call ay talagang nagsasagawa na umano ng mga operation at masinsinang surveillance ang intelligence operatives mula sa mga kapulisan at iba pang mga kasamang ahensya ng gobyerno.
Inilahad din ni Abalos na malaki umano ang importansya ng pagtutulungan ng bawat isa at nakatulong nga ang ipinataw na isang milyong reward upang tuluyang madakip ang nasabing akusado.
Pinag-aaralan ngayon ng PNP ang panukalang pagdaragdag sa kasalukuyang pabuya laban kay Quiboloy upang mapabilis ang pagdakip dito, habang binigyang- linaw din naman ni Abalos na ang nasabing pabuya ay galing sa mga pribadong tao at hindi ito ibinibigay o dadaan sa kanila.
Kinokonsidera umano ng Pambansang Pulisya na maglabas ng sariling pondo o reward para sa sinumang indibidwal na makapagbibigay ng mahalagang impormasyon sa kinaroroonan ng puganteng pastor.
Kung maaalala, inanunsyo ng DILG ang aabot sa P10-M na patong sa ulo ng pastor at tig-isang milyong patong sa lima pang kapwa akusado nito na sina Canada, Jackielyn Roy, Cresente Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemanes.














