HINDI umano palalampasin ng Commission on Elections (Comelec) ang reklamo ng vote buying kahit pa ang nadidiin ay isang kandidatong nanalo nitong nakaraang eleksyon.
“Akala siguro ng ibang kandidato kahit nanalo na sila hindi namin sila hahabulin,” pahayag ni Comelec commissioner George Garcia sa panayam ng CNN Philippines.
“Tandaan niyo po ito…Hahabulin namin lahat ng may issue ng vote-buying,” dagdag pa niya.
Paliwanag pa ni Garcia, pagtutuunan nila ng pansin ang mga reklamo ng vote-buying sa oras na matapos na ang canvassing ng mga boto at ang proklamasyon ng mga nanalo.
“We can always remove them. Kaya namin kayong tanggalin kahit governor, vice governor or mayor tatanggalin namin kayo simply because you violated the election law,” banta ni Garcia.
Sa umiiral na batas, ang mapapatunayang bumili ng boto ay maaaring mabilanggo ng mula isa hanggang anim na taon at madidiskwalipika sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.














