Kahera sa eatery, patay sa sunog

By: Baby Cuevas

Nasawi ang isang empleyada ng isang “eatery” sa G.Tuazon St.,Barangay 414, Sampaloc, Maynila nang hindi ito makalabas sa tinutulugan na mezzanine habang nilalamon ng apoy ang tinutuluyan nitong residential commercial area, kahapon ng madaling araw

Ayon sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nakilala ang biktima sa alyas na ‘Teresa’, 50, stay-in sa Pansitan eatery na pag-aari ng isang Eclips Luna.


Napag-alaman sa BFP na nagsimula ang sunog alas-3:20 ng madaling araw na umabot sa unang alarma at idineklarang ‘fire out ‘ ganap na alas 4:12 ng madaling araw.

Ayon Kay Barangay Kagawad Roland Purification, umabot sa walo hanggang 10 fire extinguisher ang kanilang ginamit pero hindi na kinayang maapula ang sunog dahil malaki na ang apoy.

Nakaligtas naman sa sunog ang dalawa pang stay-in na empleyadong natutulog sa unang palapag matapos na magising at makalabas ng establisimiyento.


Nagsimula umano ang sunog sa may kusina at main door.

Samantala,patuloy umanong iniimbestigahan ang sanhi ng sunog at itinatayang nasa P100,000 ang halaga ng napinsalang ari-arian.


Tags: Manila Bureau of Fire Protection.(BFP)

You May Also Like