ISANG barangay official ang nahaharap sa reklamong paglabag sa Omnibus Election Code sa bayan ng Balud, Masbate, matapos itong makuhaan ng baril ng mga operatiba ng Municipal Police Station .
Ayon sa report na nakarating sa tanggapan ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C Estomo mula sa Masbate Police Provincial Office, ay kinilala ang suspek na si Barangay Kagawad Ave Dorado y Ado ng Sitio Quarry, Brgy. Dao, munisipyo ng Balud.
Lumabas sa pagsisiyasat na hindi huminto at humarurot papalayo ang suspek nang tangkain siyang parahin ng mga kapulisan sa Sitio Quarry, Brgy. Dao na nagmamantini ng PNP-COMELEC checkpoint habang sakay ng kanyang motorsiklo.
Dahil sa kaduda-dudang aksyon ng suspek, hinabol ito ng kapulisan at nang nakorner, nakuha sa pag-iingat nito ang isang kalibre 45 pistola, walang serial number na loaded ng 4 na bala. Bukod dito, nakumpiska rin sa kanya ang dalawa pang piraso ng steel magasin at pitong bala para sa naturang baril.
Ang naarestong indibidwal ay nasa kustodiya ng Balud MPS at nahaharap sa kasong paglabag sa election gun ban.
Ang implementasyon ng gun ban ay patuloy pa rin hanggang sa Hunyo 8, 2022. (VICTOR BALDEMOR)














