ILANG kagamitang pandigma ang na-recover mula sa lokal na teroristang grupo nang nakasagupa nila ang tropa ng 6th Infantry (Redskin) Battalion sa Brgy. Penditen, Datu Salibo, Maguindanao del Sur dakong alas-5:00 ng hapon, kamakalawa.
Ayon kay Lt. Col. Al Victor C. Burkley, Commanding Officer ng 6IB, nagsasagawa ng regular na combat patrol ang kanilang tropa nang maka0engkwentro ang armadong grupo.
Sa isinagawang clearing operation, nakarekober ang tropa ng militar ng isang M14 rifle, dalawang magazine, isang bandolier, dalawang caliber .45 pistol at iba pang kagamitan. Nakita rin ang bakas ng dugo sa lugar, indikasyon na may nasugatang miyembro mula sa panig ng kalaban.
Sa direktiba nina Brig. Gen. Jose Vladimir Cagara, Commander ng 1st Brigade Combat Team at Brig. Gen. Edgar Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, agaran nilang inilunsad ang pursuit operation laban sa mga teroristang grupo. Ang lahat ng patrol bases sa kanilang mga areas of operation ay naka-alerto at pinaigting din ang intel monitoring at checkpoint operations.
Samantala, sinabi ni Maj. General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central (JTFC), na ang ganitong resulta ng operasyon ay patunay ng determinasyon ng militar na tapusin ang presensya ng mga teroristang grupo sa rehiyon.
“Patuloy tayong magsasagawa ng focused military operations upang wakasan ang banta ng lokal na terorismo sa Central Mindanao. Ang ating mga tropa ay walang humpay na maglilingkod upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” aniya.
Nananawagan din ang Division Commander sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang mas mapabilis ang mga operasyon laban sa mga natitirang elemento ng teroristang grupo.














