Wala nang buhay nang abutan ng isang babaeng apprentice ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanyang saleslady na girlfriend matapos nitong magpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti, kamakalawa ng gabi sa kanilang inuupahang kuwarto sa Tondo, Maynila.
Kinilala ni PSMS Jansen Rey San Pedro, imbestigador ng Manila Police -homicide section, ang biktimang 26-anyos na saleslady at nanunuluyan sa 5th floor ng Blk 3, Lot 11, San Patricio St. Tondo, Maynila.
Ginamit ng biktima sa pagpapakamatay ang isang kulay orange na lubid na itinali sa isang kahoy.
Ayon sa partner ng biktima na isa ring babae, nagkaroon umano sila ng pag-aaway ng biktima ilang araw na ang nakakalipas at ang huling pag-uusap nila ay naganap sa messenger nang umaga bago ito nagbigti.
Nabatid na alas-6 ng gabi nang umuwi ang PCG apprentice sa kanilang tinutuluyang kuwarto. Kumatok umano siya pero hindi sumasagot ang biktima kaya minabuti niyang dumaan sa itaas ng comfort room malapit sa kanilang kuwarto.
Nang makapasok sa kanilang kuwarto, dito niya nakita ang biktima na nakabigti at wala nang buhay, kaya kaagad niya itong iniulat sa Delpan Police Station na siyang tumawag sa MPD-homicide.














