JOINT PATROL SA WEST PHIL. SEA, NAPAGKASUNDUAN NA

Nagkasundo na umano ang Pilipinas at Amerika para simulan ang joint maritime Patrol sa bahagi ng West Philippine Sea.

Sa paghaharap nina U.S Defense Secretary Lloyd Austin III at Defense Secretary Carlito Galvez ay nagpalitan sila ng mga pananaw sa ibinahaging mga hamon sa seguridad ng rehiyon sa Indo-Pacific at binibigyang-diin ang kahalagahan ng magandang koordinasyon sa pagpapatakbo.


Ayon sa US defense department, sumang-ayon ang dalawang pinuno na muling simulan ang magkasanib na pagpapatrolya sa karagatan sa South China Sea upang makatulong sa pagtugon sa mga kasalukuyang hamon.

Sa pagbisita ng US Defense Secretary ay tiniyak nitong tutulungan ang Pilipinas na gawing makabago ang “defense capabilities” at itaas ang interoperability ng American at Filipino military forces sa pamamagitan na rin ng mga pagsasanay.

Nabatid na ilan sa mga lumutang na site na sinasabing papayagan na magkaroon ng temporary basing ang US ang Palawan na nakaharap sa West Philippine at sa mga pinag-aagawang teritoryo, sa ilang lalawigan sa hilagang Luzon na malapit lamang sa China at Taiwan.


Malinaw sa kasunduan ng US- DOD at Defense Department ng Pilipinas na hindi maglalagay ng permanenteng base militar ang Amerika sa Pilipinas.

Binigyang-diin ni Austin na hindi base militar ang mga EDCA site kundi ito ay ang mga lugar kung saan nagsasanay ang mga sundalong Amerikano gayundin bilang imbakan ng kanilang mga kagamitan.


Ayon kay Defense Secretary Carlito Galvez, Jr., sa pamamagitan ng 1st class training na makukuha ng mga sundalong Pilipino mula sa mga sundalong Amerikano ay mas lalawak ang kanilang karanasan at mahahasa ang pakikipaglaban sa terorismo.

“From defense perspective, we will continue to work together with our great partners and to build and modernize your capabilities as well as increase our interoperability,” ayon pa kay Austin. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)


Tags: U.S Defense Secretary Lloyd Austin III at Defense Secretary Carlito Galvez

You May Also Like