Patay ang tatlong katao habang anim ang malubhang nasugatan nang aksidenteng mahulog sa bangin ang sinaskayan nilang jeep sa Macalelon, Quezon province nitong nakalipas na linggo,
Base sa ulat ng Macalelon Police, kabilang sa mga nasawi sa sakunang nangyari sa Barangay San Nicolas ang pahinante ng jeep at dalawang menor de edad na magpinsan.
Isa sa mga nasawing menor de edad ay anak umano ng may-ari ng jeep, na siyang nagmamaneho nang mangyari ang aksidente. Kabilang ang may-ari sa anim na sugatan.
Ayon sa imbestigasyon, tinatahak ng jeep ang palusong na bahagi ng kalsada nang mawalan ng preno bandang alas-3 ng hapon.
Sa bigat ng kargang niyog at sako-sakong kopra, hindi nakontrol ang pagbulusok ng jeep pababa hanggang sa mahulog sa bangin sa gilid ng kalsada.
Agad sumaklolo ang mga tauhan ng Philippine Army na naka-base sa lugar, mga pulis at tauhan ng municipal disaster risk reduction management office.
Patuloy na nagpapagaling sa ospital sa Gumaca, Quezon ang mga nasugatan. (Victor Baldemor)














