NAGPALIWANAG sa Ivana Alawi ukol sa mga espekulasyon ng netizens kung bakit siya nag-exit sa “Batang Quiapo.”
Aniya, hindi totoo ang tsismis na umaalis siya ng taping nang hindi pa tapos.
Wala rin umano siyang attitude problem tulad nang nababalita. Pabiro nga niyang sabi sa YouTube channel: “Isa sa mga problema siguro ay ang aking mukha kapag hindi ako nakangiti, mukhang may attitude ako.” Ipinaliwanag din niya na alam niya ang mataas na gastos ng produksyon kaya kahit lumagpas pa siya ng oras, wala siyang reklamo at handang magpatuloy.
Naiintindihan naman umano ni Coco Martin ang kanyang resignation at pinagkatiwalaan niya ito sa pagdesisyon sa kanyang character’s exit.
Nang tanungin kung paano tinanggap ni Coco ang kanyang resignation, sinabi ni Ivana na naintindihan ito ni direk Coco dahil sa kanyang karanasan bilang artista at direktor.
Ayon kay Ivana, alam ni Coco ang pakiramdam ng pagkakaroon ng maraming responsibilidad at trabaho. Kinuwento rin niya na tinanong siya ni Tita Cory Vidanes tungkol sa kanyang death scene. Aniya, pinagkatiwala niya ang desisyon kay Coco kung paano aalisin ang kanyang karakter sa aksyon-serye. Ang lawak talaga ng imahinasyon ni Coco. Imagine, ang haba ng finale ni Ivana sa naturang serye. Talagang tinutok ni Coco ang isang linggong eksena ni Ivana kung papano siya namatay hanggang sa ilagay siya sa kabaong para paglamayan.
Marami ngang netizen ang nanghihinayang sa pagkawala ng karakter ni Bubbles (Ivana).
Tanong tuloy nila sino raw ba talaga ang magiging leading lady ni Coco?
Si Arabella (anak nina Jackielou Blanco at Ricky Davao) raw ba na apo ni Betina (Tessie Tomas) o ang pumasok na karakter ni Kim Domingo bilang si Madonna?