INIHAYAG ni Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno ang planong pagpapatayo ng high-tech at state-of-the-art hospital na katulad ng Ospital ng Maynila (OsMa), sa 17 rehiyon sa bansa, at kung may sapat pang pondo, ay 81 pang parehong uri ng ospital ang itatayo niya sa mga lalawigan, sakaling palarin siyang maging susunod na pangulo ng bansa.
Pangarap din umano ni Moreno, dahil ang fully-equipped at fully-airconditioned na OsMa ay malapit nang matapos, na matulad din dito ang mga regional hospitals na kanyang ipatatayo kung saan ang lahat ng mamamayan sa lahat ng antas ng buhay ay makikinabang sa mga pasilidad na mararanasan lang sa mga private hospitals.
“Ako kasi, nagtae ako nung araw nung bata pa ‘ko. Alam mo naman sa public hospitals, sama-sama lahat. I’ve seen it eh, so gusto ko lang sanang mabigyan ng magandang laban ang isang mahirap na sa huling hininga niya ay nakatikim siya ng malasakit sa gobyerno,” ayon kay Moreno.
Binigyang-diin ni Moreno na sa kaso ng OsMa, ang lahat ng requirements para sa isang moderno at high-tech na ospital ay ginawa, kabilang na design at bidding at lahat ng iba pang bagay na puwedeng ipatupad sa buong bansa. Kokopyahin na lamang ang buong proseso mula inception hanggang completion nito.
“If I can build this in Manila in less than two years and even during a pandemic, give me as much resources and I will build 80 of this on a provincial level or 17 more of this on a regional level,” pagtiyak pa ng alkalde.
Ayon kay Moreno, hindi uubra ang traditional mindset ng isang pulitiko na ‘pwede na,’ pagdating sa mga proyekto na ang taumbayan ang makikinabang.
Sa tuwing may programa o proyekto ang city government, sinabi ni Moreno na ibinibigay nila ni Vice Mayor at mayoralty bet Honey Lacuna ang nararapat na serbisyo sa mamamayan ng Maynila at ito ay ang ‘the best service’.
Sinabi pa ni Moreno na tinitiyak ni Lacuna, bilang Presiding Officer ng Manila City Council, na ang lahat ng kailangan para sa anumang proyekto ay maibigay at maipasa sa 38-member city council.
Sa OsMa, sinabi ni Moreno na ang free medical services ay laging ibinibigay sa lahat ng mga residente maging mayaman, middle class o mahirap.
Sa kabila na nasa finishing touches na lamang ang OsMa, inutos ni Moreno nitong Enero na buksan na ang emergency room bago pa manalasa ang Omicron sa bansa sa posibilidad na surge ng COVID-19 matapos ang holiday season.
Ang emergency room ay may 30-bed capacity at ang mga ito ay pawang branded, bago at moderno. (Baby Cuevas)