TAHASANG hinamon ni Manila Congressman Rolan Valeriano (2nd district) si ex-mayor Isko Moreno sa isang ‘ lie detector test’, bilang reaksyon sa isang video na ipinakita sa kanya kung saan ang dating mayor ay inakusahan silang dalawa ni Rep. Joel Chua (3rd district) na trinato siya nang hindi maganda.
Sa nasabing video, sinabi ni. Moreno na siya at si dating Councilor Letlet Zarcal ay nakipagkita sa dalawang Congressmen at sinabi umano ng dalawa sa kanya sa malakas na boses na mas pagkakatiwalaan pa nila na mapunta ang posisyon ng pagka-alkalde sa iba, huwag lang sa kanya.
Nanindigan sina Valeriano at Chua na walang ganung klaseng insidente na naganap sa naturang meeting at idinagdag pa ntio na naghiwa-hiwalay sila nang maayos noon, kung saan ‘boss’ pa ang tawag nila kay Moreno.
Nang malaman niya na naglabas si Isko ng kanyang sariling bersyon ng tunay na nangyari sa meeting, sinabi ni Valeriano na nag-text siya kay Zarcal at tinanong ito kung ano ang nararamdaman niya (Zarcal) na gumawa ng sariling kwento si Moreno sa mismong harapan niya.
“Ano nasa isip mo pare pag nagsisinungaling kaharap mo kc kasama ka diyan pero kung siraan kami….maayos tayo naghuwalay nung gabing un..,” sabi ni Valeriano kay Zarcal . Hindi pa umano sumasagot sa kanyang text si Zarcal.
Ayon naman kay Chua, “sa palagay n’yo ba kaya namin gawin ‘yun eh boss pa nga ang tawag namin hanggang maghiwa-hiwalay kami? At kung totoong sinigawan namin siya (Isko) ay papayag ba siya nang ganun-ganun lang?”
Sina Valeriano at Chua ay dalawa sa limang Congressmen sa Maynila na nanatili kay Mayor Honey Lacuna. Anim lamang ang Congressmen sa Maynila.
Ayon kay Valeriano, ang pagpili nila na kumampi kay Lacuna ang tangi nilang nakikitang dahilan kung bakit sinisiraan sila ni Isko sa mata ng publiko.
Samantala, patuloy na hayagang sinusuportahan nina Valeriano at Chua si Lacuna na anila ay mas karapat-dapat na mamuno ng lungsod sa mga darating pang panahon, sabay binanggit kung paano inilugmok ni Moreno ang Maynila sa P17.8 billion pagkakabaon sa utang at kung paanong iniwan nito ang lungsod dahil sa ambisyong. maging Presidente noong 2022 sa kabila nang may dalawang termino pang natitira sa kanya sa pagka-alkalde ng Maynila.
Anila, hindi rin nila nagustuhan at ng lahat ng mga kapartido nila sa Asenso Manileno ang solong desisyon ni Moreno na tumakbo bilang mayor.
Ayon sa dalawang mambabatas, lahat na lamang ng itinuring siya bilang pamilya, personal man o politikal, ay iniwan ni Isko sa ere, pati na si Lacuna na anila ay walang ginawang masama sa kanya kundi ang ituloy ang lahat niyang proyekto at pagandahin pa ang mga ito. Wala rin umanong tinanggal si Lacuna sa mga itinalaga ni Isko.