Latest News

ISANG SUNDALO SUGATAN, TANGKANG PAG-AGAW NG CPP-NPA SA RELIEF GOODS

By: Victor Baldemor Ruiz

Sugatan ang isang sundalo matapos makabakbakan ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA), nang salakayin sila habang nagdadala ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyong Kristine, noong Linggo sa lalawigan ng Albay.

Kinondena ng pamunuan ng Philippine Army ang ginawang pananambang ng ilang miyembro ng New People’s Army sa hanay ng 49th Infantry Battalion na nagsasagawa lang sana ng kanilang Disaster Relief operation, nang gamitan sila ng landmine habang patungo sa isang relief mission.

Hinala ng militar na bukod sa tangkang pag -agaw sa dala nilang relief goods para sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine ay nais din ng komunistang hanay na makabawi sa pagkakadakip kamakailan sa tatlong mataas na lider ng CPP-NPA-NDFP.


Sa isang pahayag, sinabi ni Army Chief Public Affairs, Col. Louie Dema-ala na ang hakbang na ito ng mga rebeldeng grupo ay mariin nilang kinokondena.

Ito aniya ay pagpapakita lamang ng isang kaduwagan, gayung abala ang lahat sa pagtulong sa mga residenteng nasalanta ng bagyo.

Ayon kay Maj. Frank Roldan, tagapagsalita ng Philippine Army 9th Infantry Division (9ID), naganap ang ang bakbakan sa Barangay Matanglad, Pio Duran, Albay.

Bitbit ng tropa ng 49th Infantry Battalion ang mga relief goods nang salakayin sila ng mahigit sa 10 rebeldeng NPA.


Tumagal ng 15-minuto ang palitan ng putok na ikinasugat sa paa ng isa dahil sa paggamit ng anti-personnel mine na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng International Humanitarian Law.

“Hinihikayat namin ang publiko na iulat ang anumang impormasyon sa mga armadong grupo na nagbabanta sa kapayapaan at seguridad. Makatitiyak ka, ang PA ay nakahanda na lagpasan ang anumang hamon para matiyak ang kaligtasan ng ating mga komunidad at sa pagsuporta sa pagbawi ng mga apektadong komunidad,” ani Dema-ala.

Tiniyak ni Roldan na ipagpapatuloy ng 9ID ang misyon nito na magbigay ng suporta at serbisyo sa mga apektadong komunidad at bilang pagsunod sa utos ng kanilang Commander-in-Chief na si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., upang mapadali ang isang “conveyor belt of aid” para sa mga komunidad na dinala ng bagyo.

 


Tags: New People’s Army (NPA)

You May Also Like

Most Read