NAGSAMPA ang Commission on Elections (Comelec), sa pamamagitan ng Task Force Katotohanan, Katapatan at Katarungan (KKK) sa Halalan, ng cybercrime complaint laban kay Isabela vice mayoral bet Jeryll Harold Respicio, bunsod ng mga pahayag nito sa kanyang social media na kaya niyang manipulahin ang resulta ng May 12 midterm polls.
Si Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, kinatawan ng task force, ang lumagda sa reklamo na inihain sa Manila Prosecutors’ Office nitong Biyernes.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ‘misinformation’ ang ginawa ni Respicio at napaka-mapanganib dahil tila kino-kondisyon nito ang isip ng sambayanan na maaaring madaya ang halalan.
“Ito ay napaka-dangerous, napakamapanganib. Maliban sa misinformation, napakamapanganib sapagkat isipin niyo ngayon pa lang kinokondisyon ang sambayanan na pupuwedeng gawan ng paraan [ang pagakapanalo sa eleksyon,” ani Garcia.
Sa isa sa mga video ni Respicio, isang certified public accountant at tumatakbo sa pagka-bise alkalde sa bayan ng Reina Mercedes, sinasabi umano nito na mayroon umanong backdoor programs na kayang mag-override sa Automated Counting Machines.
Ipinakita pa umano ng kandidato kung paano ito ginagawa.
Pahayag naman ni Garcia, hindi naman ang Comelec ang tinitira ni Respicio dito, kundi ang buong proseso at integridad ng halalan.
Pagtiyak pa ni Garcia, “Hindi papayag ang Comelec sa mga ganito.”
Dagdag pa niya, “In fact, gusto naming sabihin, ganito rin ang gagawin ng Task Force KKK, whether yung sasabihin ang ilalagay sa social media o misinformaiton o disinifomation o fake news laban sa isang kandidato, party-list o botante.”
Sinabi pa ni Garcia na bukod sa cyberlibel, sasampahan rin ng task force si Respicio ng disqualification case, disbarment case sa Integrated Bar of the Philippines (IBP), at kaso upang mabawi ang kanyang lisensiya sa Professional Regulation Commission (PRC).
Nanawagan rin ang poll chief sa mga netizens na maging maingat at huwag basta-bastang magbabahagi ng impormasyon online.
Paniniguro pa niya, “We will take seriously any attempt to undermine the integrity of our elections. Because the integrity of our elections is the very foundation of our democracy and why the people continue to believe that the election is part and parcel of our democracy.”