NAPATAY sa police operation ang isa sa pinaniniwalaang sangkot sa pag-ambush sa convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Alonto Adiong, Jr., noong Biyernes na ikinamatay ng apat na pulis.
Ayon kay Police Brigadier General John Guyguyon, Regional Director ng Police Regional Office, Bangsamoro Autonomous Region sa Kampo Krame, lima na lamang ang kanilang tinutugis sa likod ng pananamabang kina Governor Adion matapos na mapaslang ang suspek na si alyas Otin o fighter.
Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., nagkasa ng hot pursuit operation ang Maguing Municipal Police Station, 1st Provincial Mobile Force Company ng Lanao del Sur Police Provincial Office, at Provincial Intelligence Unit laban sa mga target personality na nagresulta sa pagkakapatay sa suspek na si alyas Otin.
Matapos ang naganap na shootout ay narekober sa pag-iingat nito ang colt MK IV caliber 45 pistol na mayroong anim na live ammunition.
“The successful pursuit operation shows that the PNP will not tolerate lawlessness and will do everything in our power to ensure the safety and security of our people,” ani Azurin.
Kasunod nito, sinabi ng PNP chief na tuloy-tuloy ang ginagawang manhunt operation laban sa mga nalalabing suspk habang patuloy ang imbestigasyon hinggil sa nasabing insidente.
Matatandaagn nitong Biyernes, tinambangan ang convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong, Jr., sa Kalilangan, Bukidnon kung saan sugatan ang gobernador maging ang kanyang aide pero nasawi naman ang apat niyang bodyguards. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)