By: Itchie G. Cabayan
Patay ang isa sa dalawang lalaki na naaktuhan ng mga pulis-Maynila habang inaakyat ang isang gusali na tangka nilang pagnakawan sa Binondo, Maynila, Martes ng gabi, habang arestado naman ang isa pa.
Dinala subalit di na umabot nang buhay sa pagamutan ang suspek na kinilala lamang na alyas ‘John’, 29, miyembro ng Commando Gang at residente ng Lavezarez Street, Binondo, habang ang dinakip naman ang kanyang kasamahan na si alyas ‘Rosalino,’ 41, residente ng Delpan Street sa Binondo.
Batay sa paunang ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, pasado alas-10 ng gabi nang maganap ang engkwentro sa isang gusali na matatagpuan sa kanto ng Juan Luna at San Fernando Streets sa Binondo.
Isang concerned citizen ang diumano ay nakakita sa dalawang suspek habang umaakyat sa gusali ng package delivery company. Agad na humingi ng saklolo sa mga barangay tanod at sa mga nagpapatrulyang tauhan ng MPD-Meisic Police Station 11 ang nasabing saksi.
Dahil sa pagdating ng mga pulis, nabulabog ang mga suspek at nabigong makapagnakaw. Gayunman, sa halip na sumuko ay nagtago ang mga ito sa loob ng nasabing gusali.
Nang pasukin ng mga pulis ang gusali, agad na naaresto ang isa sa mga suspek. Nakalipat naman ang kasama niya sa katabing abandonadong gusali, gamit ang lubid na itinali nila sa pagitan ng dalawang gusali.
Hinabol ito ng mga pulis at nang masukol sa ikatlong palapag ay bumunot umano ito ng baril at nagpaputok sa mga pulis, dahilan upang gumanti ng putok ang mga pulis.
Nakuha mula sa kanya ang baril na ginamit niya sa pagpapaputok sa mga pulis.
Ayon sa pulisya, ang napatay na suspek ay dati nang nahaharap sa iba’t-ibang kaso, kabilang na ang may kinalaman sa ilegal na droga, habang ang naarestong kasabwat niya ay nasangkot naman umano sa mga kasong human trafficking at rape.














