ISA ang nasawi nang sumiklab ang isang sunog sa isang cargo vessel sa karagatang bahagi ng Talisay City, Cebu kahapon ng umaga.
Ayon kay Lt. JG Krysta Bergantin, Philippine Coast Guard – Central Visayas spokesperson, biniberepika pa ang pagkakakilanlan ng nasawi, tatlo ang sugatan habang 16 na tripulante ang kanilang nasagip.
Ayon sa PCG, una silang nakatanggap ng impormasyon na nasusunog ang M/V General Romulo, isang container at domestic ship, habang nakaangkla sa may dagat ng Talisay City dakong alas-9:40 ng umaga habang naghihintay ng clearance na makadaong sa Cebu City port.
Agad na rumesponde ang gma taunan ng Coast Guard Sub-Station Talisay at Talisay City Bantay Dagat sa insidente at nagsagawa ng medical evacuation operation.
Inatasan naman ang BRP Malamawi (FPB-2403), Special Operation Unit (SOU)- Central Visayas at Coast Guard Medical Central Visayas na magtungo sa lugar para magbigay rin ng tulong.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente at inaalam ang sanhi ng sunog. (Anthony Quindoy)














