Isang 34- anyos construction worker ang nasawi habang sugatan ang tatlo pa niyang kasamahan kabilang ang kanyang dalawang kapatid, nang komprontahin ang lalaking nanampal sa kanyang kaibigan, ilang oras bago ang pagdiriwang ng Bagong taon sa Labores Extension sa Pandacan, Maynila .
Kinilala ni PMSg Irene Jay Manalili,imbestigador ng Manila Police District -homicide section, ang nasawi na si Michael Manzano, 34 , construction worker at taga 2088 Kahilum Extension, Brgy. 846 Zone 92, Pandacan, Maynila.
Sugatan naman sina Jordan Manzano, 27 , kapatid ng nasawi ; Armando Manzano Jr. , 37 construction worker at Daniel Lising, 24, construction worker.
Nakatakas naman ang suspek na si Reymond Baluyot “Alyas Purunggo, ng No. 1525 Labores Extension, Pandacan, Maynila dala ang patalim na ginamit sa pananaksak sa mga biktima.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente alas- 10:30 ng gabi matapos komprontahin ni Michael ang suspek sa ginawa nitong pananampal kay Crisland Rulloda.
Una na umanong nagsumbong si Rulloda kay Michael dahil sa ginawa ng suspek na pananampal sa kanya habang nagmamaneho ng tricycle.
Nagalit umano si Michael at kinompronta ang suspek at habang nagkakasagutan ay naglabas ng patalim ang suspek at kaagad na sinaksak sa leeg si Michael.
Aasistihan ni Jordan ang sugatan na si Michael nang saksakin rin siya sa likod ng suspek.
Aawat sana sina Armando at Daniel pero maging sila ay inundayan rin ng saksak ng suspek.
Samantala, patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang suspek para papanagutin sa krimen nito.














