Latest News

ISA PATAY, 3 SUGATAN SA ITINANIM NA BOMBA

By: Victor Baldemor Ruiz

BLANGKO pa ang mga pulis sa pagkakakilanlan at motibo ng suspek na nagtanim ng sumabog na improvised explosive device kamakalawa ng gabi sa Barangay Calinan Poblacion, Calinan District, Davao City .

Sa ulat ng Davao City PNP, isang lalaki ang nasawi habang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan sa pagsabog ng bomba sa isang restobar sa Roman Diaz Street sa Barangay Calinan Poblacion.

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon ng Calinan Municipal Police station na bago ang pagsabog ay may nakita silang nagliliwanag na bagay sa may bintana ng Restobar.


Nilapitan umano ng isa sa mga biktima ang nakitang puting cellophane bag na tila may apoy sa loob na nakalagay sa may bintana ng establisimiyento.

Sinasabing sinubukan ng biktima na tingnan ang nasabing nagliliyab na bagay subalit bago pa niya malapitan ay biglang sumambulat ang plastic bag.


Agad na isinugod sa Southern Philippines Medical Center ang mga biktima para malapatan ng lunas subalit isa sa kanila ang agad na binawian ng buhay.

Kasalukuyang inoobserbahan pa ang tatlo sa mga nasabugang biktima.


Kasalukuyang inaalam pa ng mga imbestigador ang uri ng pampasabog na ginamit ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Tags: Davao City PNP

You May Also Like

Most Read