AGAD na nasawi ang isang lalaki habang nasa kritikal namang kalagayan matapos operahan ang isang lalaki at isang babaeng menor de edad, dahil sa pananaksak ng kanilang kainuman kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.
Ayon sa report ng Manila Police District-Police Station 1 idineklarang dead-on-arrival o DOA sa Tondo Medical Center ang biktimang si Czylux Bautista, 21, ng 314 Dayao St. Brgy. 133 Tondo, Maynila.
Nasa kritikal na kondisyon naman sina Joselito Casa ,22, ng #2185 Infanta Street Brgy. 133 Tondo at Josephine Navarro,16 ng #4065 Maliklik St. Brgy. 184 Gagalangin Tondo.
Naganap ang insidente ala- 1 ng madaling araw sa Infanta Street Brgy 133 Tondo, Maynila, habang nag-iinuman ang suspek na si alyas Ike at ang mga biktima.
Nagkaroon umano ng mainitang.pagtatalo ang suspek at mga biktima sa kasagsagan ng pag-iinuman hanggang bumunot ng patalim ang suspek at pagsasaksakin ang mga biktima.
Isinugod sa pagamutan ang tatlong biktima kung saan idineklarang DOA si Bautista habang na-revive naman ang dalawa pang biktima at isinalang sa operasyon.
Samantala, patuloy na tinutugis ng.mga tauhan ng MPD ang tumakas na suspek.