NA-RECOVER na ng mga operatiba ng Bureau of Customs katuwang ang National Bureau of Investigation, ang pinaghahanap na kulay asul na smuggled Bugatti Chiron sa isang posh subdivision sa Muntinlupa.
Ito ang ikalawang luxury car na nagkakahalaga ng P165 million ang bawat isa na na-rehistro sa Land Transportation Office nang walang kaukulang dokumento.
Matapos ang ilang buwang paghahanap sa tulong ng ilang informants ay natunton ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang asul na Bugatti Chiron.
Kamakailan ay napasakamay din ng Aduna ang kulay pulang Bugatti Chiron matapos na kusang isuko ng may-ari na mula din sa nasabing posh village sa Muntinlupa.
Tuloy-tuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng BOC-CIIS hinggil sa origin ng dalawang smuggled cars, kung paano ito napasakamay ng dalawang banyagang nagmamay-ari nito at kung paano ito inirehistro ng LTO nang walang tamang dokumento.
Inaalam din kung may kasabwat na taga-Aduana ang nagpasok at nagpuslit ng dalawang Bugatti Chiron na maaari umanong nagbigay ng clearance at dokumento na ginamit naman sa LTO para sa registration ng mga ito.
Napag-alaman na kahit na isinuko na ang dalawang mamahaling kotse ay hindi pa rin ganap na ligtas ang mga may-ari nito dahil mahaharap pa rin umano sila sa kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
“Depende rin umano kung ano ang magiging kinalabasan ng imbestigasyon at kung papayagan sila ng settlement, redemption or ifo-forfeit (yung sasakyan), o kaya ay isa-subject ang mga ito sa subasta (auction),” ani Pinawin.
Kaugnay nito ay wala pa ring inilalabas na pahayag ang LTO kung paano na-irehistro ang dalawang Bugatti Chiron.