Walong katao ang inulat na nasaktan habang isa ang nawawala sa pananalasa ng Bagyong Julian sa hilagang bahagi ng bansa, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules, Oktubre 2.
Sa situational report, sinabi ng NDRRMC na bagamat walang naitalang nasawi sa Cordillera Administrative Region (CAR), mayroon naman ditong isang nawawala.
Sa naturang bilang, lahat ng walong injured ay mula sa Region 2 o Cagayan Valley.
Bagama’t nakalabas na ng bansa ang Bagyong Julian, nadagdagan pa ang bilang ng mga naapektuhan ng pananalasa nito.
Ayon sa huling situational report ng Office of Civil Defense, sumampa na sa 43,093 pamilya o katumbas ng halos 150,000 mga indibidwal ang apektado mula sa 552 barangays sa Regions 1, 2, at CAR.
Sa nasabing bilang mahigit 646 pamilya o 2,176 katao ang tumutuloy sa 58 evacuation centers at 921 pamilya o 3,255 katao ang nasa ibang lugar.
Samantala, nasa ilalim na ng State of Calamity ang 23 siyudad at munisipalidad ng Region 1 o Ilocos Region.
Nakapagtala din ng 85 partially-damaged na mga kabahayan at 3 naman ang totally-damaged.
Magugunitang sa lalawigan ng Batanes ay inulat ng kanilang local government uit na umaabot na sa mahigit 250 kabahayan ang nasira nang dahil sa Bagyong julian.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang pagtulong ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng Bagyong Julian kung saan nasa P11-M na ang naipamahaging ayuda na kinabibilangan ng mga pagkain, damit, gamot at iba pa.