Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang hatol na isa hanggang 2 taong pagkabilanggo at multang P10,000 sa celebrity doctor na si Joel Mendez kaugnay ng dalawang tax case ng Court of Tax Appeals noong 2002 at 2003.
Nabatid na noong 2011, napatunayan ng CTA na ‘guilty’ so Mendez sa paglabag sa National Internal Revenue Code dahil sa pagkabigo nito na mag-file ng kanyang income tax return noong 2002 na itinatayang nasa P1.522 milyon.
Nabatid na si Mendez ay napatunayan ring ‘guilty’ sa hindi nito paglalagay ng tamang impormasyon sa kanyang ITR noong 2003 na tinatayang nasa P2.107 milyon.
Sa kanyang depensa sa CTA, sinabi nito na hindi niya personal na natanggap ang Letter of Assessment ng Bureau of Internal Revenue at naitago ng kanyang accountant ang notice.
“We are convinced that Joel was aware of his obligation to file ITR and he consciously and voluntarily refused to comply with his duty to make the return,” ayon sa SC en banc decision na promulgated noong Marso 28, 2023 at isinulat ni Associate Justice Mario Lopez pero ngayon lang inilabas sa publiko.
Sinabi ng korte na napatunayan ng prosecution na si Mendez ay gumugol ng malaking halaga ng pera sa upa,advertisements,pagbili ng sasakyan at biyahe sa abroad noong 2002.
Inatasan rin ng SC ang CTA na determinahin ang civil liability ni Mendez para sa taxes at penalties.














