By: JANTZEN TAN
Siniguro ng Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules na tuloy ang internet voting para sa overseas Filipino voters sa Thailand, sa kabila ng malawakang lindol na tumama sa nasabing bansa noong nakaraang linggo.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, walang magiging problema sa Thailand, na may mahigit 8,000 botante dahil tuloy pa rin ang internet voting para sa kanila.
“May nararamdaman na aftershocks but at the same time, stick pa rin sa kung ano talaga ang dapat na paraan ng pagboto,” ani Garcia.
Umabot sa 7.7 magnitude na lindol ang tumamang lindol sa Myanmar noong Marso 28, na kumitil sa buhay ng nasa 2,065 indibidwal at dahil sa lakas ng lindol, naapektuhan rin at nagkaroon ng pinsala ang mga kalapit nitong bansa, kabilang ang Thailand.
Tuloy naman ang postal voting para sa 320 overseas Filipino voters sa Myanmar, ayon pa kay Garcia.














