ITO ang inihayag ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos na madakip at mahulihan ng P9.9 million shabu ang isa nilang opisyal at tatlong tauhan kamakailan
Tiniyak ng PDEA na higit pa nilang palalakasin ang internal counter-intelligence efforts upang malinis ang kanilang hanay, kasunod ng pagkaka-aresto sa kanilang district chief at tatlong tauhan nito sa isang buy bust operation ikinasa ng PNP sa mismong tanggapan ng ahensiya sa Taguig City.
Sa inilabas na statement, sinabi ng PDEA na hindi nila papayagang mabahiran ang integridad ng ahensya sa paningin ng publiko, at nagsasagawa na umano sila ng malalimang imbestigasyon upang malaman ang pinaka ugat ng pangyayari.
Kasabay nito ang pagtiyak na nananatiling matatag ang ugnayan ng PDEA at Philippine National Police sa kampanya kontra iligal na droga.
Magugunitang nitong nakalipas na lingo ay naaresto ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) ang apat na katao sa isang buy bust operation sa loob mismo ng PDEA southern district office sa A. Bonifacio St., Brgy, Upper Bicutan, Taguig City, kung saan nakumpiska ang mahigit P9 milyong halaga ng shabu.
Kabilang sa naaresto ay ang mismong PDEA district office chief at tatlong ahente nito.
Agad na naglabas ng pahayag ang PDEA at Philippine National Police (PNP) hinggil sa kahalagahan ng pagtutulungan ng lahat ng law enforcement agencies para matiyak ang matagumpay na pagpapatupad ng national anti-drug campaign.
“Both organizations have agreed to strengthen their collaborative efforts in order to deal decisive and crippling blows to organized local and international drug syndicates, including going after scalawags in drug law enforcement,” batay sa inilabas na pahayag ng PDEA.
Batay sa report na nakarating sa tanggapan ni NCRPO ARD PBGen. Jonnel Estomo, ang mga nasakote ay nakilalang sina Enrique Gumba Lucero, hepe ng PDEA SDO; Anthony Vic Alcazar Alabastro; Jaireh Azores Llagano at ang driver na si Mark Warren Sural, pawang nakatalaga sa PDEA-SDO na matatagpuan sa loob ng Southern Police District sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng RDEU-NCRPO habang ihinahanda ang kaukulang kasong isasampa sa mga ito. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)