INTEREST-FREE LOAN PARA SA PRE-DEPARTURE REQUIREMENTS NG OFWS, ITINUTULAK NI SEN. ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

ISANG panukalang batas na magbibigay ng interest-free loan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ang itinutulak ni Sen. Erwin Tulfo sa Senado.

Sa ilalim ng kanyang Senate Bill No. 1696 o ang “OFW Pre-Employment Loan Assistance Act,” ang mga OFW na may valid contract ay pwedeng humiram ng hanggang ?100,000 at prayoridad dito ang mga “first-time” OFW na sasailalim din sa libreng financial literacy seminar bago lumipad pa-ibang bansa.


Ani Sen. Erwin, “Bilyon-bilyong dolyar ang ambag ng mga OFW sa ating ekonomiya, pero madalas mag-isa lang silang nagkakandakuba sa hirap para lang makalikom ng pambayad sa pre-departure requirements nila.”

“Maraming OFWs ang lumalapit sa aming Action Center para humanap ng pambayad sa mga requirements na ito at kadalasan, kumakapit na sila sa mga loan sharks para lang makakuha ng pambayad sa mga pre-departure fees,” dagdag pa nito.

Kasama umano sa mga babayaran ng nasabing loan ang placement fees, medical exam, training, passport, visa at pati na airfare at iba pa. Kapag naisabatas ito, ang Department of Migrant Workers (DMW) at OWWA ang mamamahala sa programang ito.


Walang interes ang loan sa loob ng unang taon ng pagbabayad at para masiguradong mababayaran, kailangang maging “co-borrower” ang kahit isang kapamilya ng OFW. Ang mga baguhan o first-time OFWs naman ay pwedeng bayaran ang utang sa loob ng 18 buwan at maaaring mailagay sa priority access ng loan program at mabibigyan ng free financial literacy training.

“Karaniwang kwento na ng ating mga OFW na kahit malaki ang kita sa abroad, lubog pa rin sila sa utang sa Pilipinas dahil walang alam sa tamang paghawak ng pera,” paliwanag ni Tulfo.




“Ang gusto natin, ang ating mga kababayan na nagsasakripisyong malayo sa pamilya ay magkaroon ng magandang buhay na pangmatagalan. Dapat, sila na ang last na magiging OFW sa pamilya nila na ang mga anak at apo nila ay di na mapepwersang mangibang-bansa pa,” ayon pa kay Sen. Erwin Tulfo.


Tags: Sen. Erwin Tulfo

You May Also Like