Latest News

INTELLIGENCE MONITORING, PINAIGTING NG PNP KAUGNAY SA SONA NI PBB

By: Victor Baldemor Ruiz

HINDI nagpapakampante ang pamunuan ng Philippine National Police sa kanilang ginagawang paghahanda kaugnay sa gaganaping ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa darating na Hulyo 22, 2024 sa kabila ng mga nakaambang kilos-protesta.

Ayon sa pambansang pulis, sa kasalukuyan ay wala silang namo-monitor na validated threat o seryosong banta sa nalalapit na SONA ng Pangulong Marcos.

Tiniyak ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil na sa kabila nito ay hindi pa rin sila magpapakampante kaya iniutos niya na paigtingin ang kanilang intelligence monitoring .

Una nang inihayag ng PNP na nasa 22,000 pulis ang ikakalat sa paligid ng Batasan Complex at sa mga lugar na posibleng maging tagpuan ng mga militanteng grupo, gayundin ang mga hangganan papasok at palabas ng Metro Manila.

Bukod pa rito ang pagtatalaga ng Armed Forces of the Philippines ng sapat na puwersa mula sa kanilang Joint Task Force -NCR bukod pa sa standby augmentation force na ihahanda ng AFP General Headquarters at tatlong major services nito.

Sa gitna ng inaasahang kaliwa’t- kanang kilos-protesta ng iba’t -ibang mga grupo ay naglabas ng direktiba si Marbil sa kapulisan na pagpapairal ng maximum tolerance sa hanay ng mga rallyista na makikisabay sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Marcos ,Jr..

Ayon kay Marbil, nais nilang mairaos ng maayos ang SONA ng Pangulo nang walang gusot sa pagitan ng mga pulis at militanteng hanay at sa katunayan, sapat na bilang ng mga pulis ang kanilang ipapakalat at nakahanda silang magdagdag kung kinakailangan.

Sinabi pa ni Marbil na ang posibleng epekto lang sa trapiko ang pag -aaralan ng mga awtoridad upang hindi mahirapan ang mga mananakay, habang tinutukoy na rin ang mga designated area para sa mga raliyista para doon sila maglabas ng kanilang mga hinaing sa gobyerno.

Sa ngayon, patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa iba’t ibang militanteng grupo para walang misinformation pagdating sa mga inaasahang kilos-protesta.

Tags:

You May Also Like

Most Read