PINAKIKILOS ngayon ni Joint Task Force Storm Commander Maj. General Edgardo de Leon ang kanilang intelligence network para i-validate kung sino yung sinasabing CPP-NPA VIP’s na isasakay sa sumabog na bangka na itatakas sana palabas ng Catbalogan City sa Samar.
Maging ang pinagmulan ng impormasyon na patay na umano ang mag-asawang lider ng komunistang grupo na sina Benito at Wilma Tiamzon ay nais na isalang sa backtracking ni Gen. de Leon.
Kinumpirma ng heneral na may mga intelligence report silang nakalap na may mga CPP-NPA VIPs base sa katawagan ng mga makakaliwa sa area ng Samar at kabilang dito ang mag asawang Tiamson.
Base sa mga lumabas na ulat sa social media kasunod ng naganap na engkwentro kamakalawa ng madaling araw ay , kabilang umano ang mag-asawang Tiamzon sa 10 New People’s Army (NPA) na sakay ng bangka na sumabog sa baybayin ng Catbalogan Samar matapos na maka-engkwentro ang joint special forces ng militar.
Ayon kay De Leon, sa ngayon ay inaalam pa ng tropa ng militar kung sino ang kanilang nakasagupa.
Posible rin aniyang diversionary tactic lamang ang pagsabog ng bangka at may isa pang bangka na ginamit ang mga rebelde para makatakas sa militar lalo pa at wala pang narekober na mga labi sa mismong encounter site. (VICTOR BALDEMOR)














